MANILA, Philippines — Dalawang matinding foreign guest teams ang hahataw sa darating na 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Idedepensa ng Japanese club Kurashiki Ablaze ang kanilang korona habang makikipagsukatan ng lakas ang Est Cola team ng Thailand sa torneong papalo sa Setyembre 4 hanggang 11.
Si Galeries Tower import Sutadta Chuewulim ay naging miyembro ng Est Cola na sumabak sa Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference kasama si national team veteran Jarasporn Bundasak.
Hinirang pa ring co-champions ang Est Cola bagama’t natalo sa RC Cola-Army Lady Troopers ni Jovelyn Gonzaga sa tournament finale.
Makakasabayan ng Est Cola at Kurashiki sa 2024 PVL Invitationals ang mga semifinalists ng Reinforced Conference na Akari, Cignal, Creamline at PLDT.
Si reigning Finals MVP Kyoka Ohsima ang muling gagabay sa Ablaze sa nasabing mini tournament.
Tinalo ng Kurashiki ang local favorite Creamline sa kanilang championship showdown noong 2023 PVL Invitational Conference.
Nakasama ni Ohsima sa Ablaze si Asaka Tamaru, hinirang na Best Outside Hitters sa nasabing edisyon, na tumayong import ng ZUS Coffee sa PVL Reinforced Conference.