MANILA, Philippines — Mula sa 12-point deficit sa first period ay humarurot ang Rain or Shine sa second half para talunin ang Phoenix, 116-99, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Ito ang ikaapat na sunod na arangkada ng Elasto Painters para banderahan ang Group B.
Ito rin ang best start ng tropa ni coach Yeng Guiao sa kanilang franchise history na nagresulta sa paghahari sa Governors’ Cup noong 2012.
Bagsak naman ang Fuel Masters sa 0-3 na naglaro na walang import.
Iniskor ni guard Adrian Nocom ang 19 sa kanyang 21 points sa ratsada ng Rain or Shine sa second period matapos kunin ng Phoenix ang 25-13 abante sa opening quarter.
Pinamunuan ni import Aaron Fuller ang Elasto Painters sa kanyang 28 markers, habang may 15 at 13 points sina Jhonard Clarito at Andrei Caracut 13, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan nina RJ Jazul at Jayjay Alejandro ang Fuel Masters sa kanilang tig-12 points.
Matapos magtabla sa halftime, 55-55, ay kumamada ang Rain or Shine sa third quarter sa pagtatala ng 84-76 bentahe.
Tuluyan nang bumigay ang Phoenix nang mabaon sa 96-116 agwat.
Samantala, lalabanan ng San Miguel (2-1) ang NLEX (2-1) ngayong alas-6 ng gabi sa Cagayan De Oro City.
Parehong hangad ng Beermen at Road Warriors na makabawi mula sa kabiguan sa huli nilang laro.
Natalo ang San Miguel sa Barangay Ginebra, 102-108, habang minalas ang NLEX sa Rain or Shine, 105-124, na dumiskaril sa hangad nilang ikatlong sunod na ratsada.
Inaasahang magtatapat sina import Jordan Adams ng Beermen at Myke Henry ng Road Warriors.
Ito ang ikalawang out-of-town game ng PBA matapos ang 73-64 panalo ng Elasto Painters sa Gin Kings noong Agosto 24 sa Candon, Ilocos Sur.
Sa Setyembre 7 ay dadayo ang PBA sa Panabo City tampok ang upakan ng Magnolia at Meralco.