MANILA, Philippines — Sasagupain ni Pinoy fighter Charly Suarez si undefeated Andres Cortes sa isang 10-round eliminator sa Setyembre 20 sa Glendale, Arizona, USA.
Isang panalo na lamang ang kailangan ni Suarez para mabigyan ito ng tsansang masungkit ang World Boxing Organization super featherweight crown.
Kaya naman inaasahang ilalabas ni Suarez ang buong lakas nito para makuha ang panalo.
Nagwagi ng tatlong gintong medalya si Suarez sa Southeast Asian Games bago magdesisyong mag-professional boxer noong Enero 1, 2019.
Nakatakdang umalis si Suarez sa Setyembre 1 patungong Las Vegas, Nevada para doon ipagpatuloy ang paghahanda nito para sa laban at pag aaralan ang galaw ng kanyang kalaban.
Si Cortes ay sariwa pa sa fourth-round knockout win laban kay Bryan Chevalier noong Pebrero.
Kasalukuyan itong nasa No. 2 spot sa WBO ranking habanag ikasiyam naman ito sa WBC.
Si Suarez naman ay nasa ikatlong posisyon sa WBO at ika-lima sa IBF.
“Sobrang pinaghandaan ko ang laban na ito. Matinding training ang pinagdaanan ko para masiguro na handang-handa ako sa laban,” ani Suarez na hawak ni veteran manager Arnold Vegafria.