SAN FRANCISCO -- Pinapirma ng Golden State Warriors si star guard Stephen Curry sa isang one-year extension contract kahapon.
Ang extension ay nagkakahalaga ng $62.6 milyon kung saan patuloy na maglalaro si Curry para sa Warriors hanggang sa 2026-27 season.
Si Curry ang ikaapat na NBA player, kasama sina LeBron James, Paul George at Kevin Durant, na nakalampas sa $500 milyon sa career earnings.
May natitira pang dalawang taon si Curry sa kanyang four-year, $215.4 million contract na nilagdaan niya noong Agosto ng 2021.
Maaari siyang pumirma sa isang one-year extension lamang sa offseason dahil sa ipinatutupad na over-38 rule ng NBA.
Ito ang nagbabawal sa mga koponan na mag-alok ng apat na taon o higit pa sa mga players na may edad 38-anyos.
Nauna nang sinabi ng 36-anyos na si Curry na plano niyang magretiro suot ang uniporme ng Golden State at walang balak lumipat ng tropa.