Gogel tinalo si Bantiloc sa KO stage
MANILA, Philippines — Tuluyan nang nagtapos ang kampanya ni Pinay para archer Agustina Bantiloc sa 17th Paris Paralympic Games sa France.
Yumukod si Bantiloc kay Jane Karla Gogel ng Brazil, 127-143, sa 1/16 Elimination Round ng women’s individual archery event kahapon.
Lumaban nang sabayan si Bantiloc kay Gogel na isang four-time Parapan American Games gold medalist at tumapos bilang fifth seed sa overall ranking round.
Pumana si Bantiloc ng iskor na 25 sa first round, habang may 29 naman si Gogel.
Naglista ang Pinay bet ng 28 sa second round para makalapit sa Brazilian.
Ngunit nangibabaw ang eksperyensa ni Gogel matapos maglista ng back-to-back na 29 kumpara sa 24 at 27 ni Bantiloc sa third at fourth round, ayon sa pagkakasunod.
Sa final round ay tumudla si Bantiloc ng 23, samantalang may 27 si Gogel para tuluyan nang angkinin ang panalo.
Si Gogel ay four-time Parapan American Games gold medalist at tumapos sa ika-limang puwesto sa overall ranking round.
Nakuha ni Gogel ang No. 5 spot matapos magrehistro ng impresibong 691 points.
Sa kabilang banda, nagkasya sa ika-28 posisyon si Bantiloc nang ilista nito ang kanyang season-best 618 points sa ranking round.
Samantala, swak si para wheelchair racer Jerrold Mangliwan sa finals ng men’s 400-meter T52 race.
- Latest