MANILA, Philippines — Tinakasan ng PLDT ang Chery Tiggo, 25-23, 25-27, 15-25, 25-18, 15-9, sa kanilang knockout quarterfinals match papasok sa semifinals ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Humataw si Russian import Lena Samoilenko ng 37 points mula sa 32 attacks, tatlong blocks at dalawang service aces para sa pag-entra ng High Speed Hitters sa semis katapat ang Akari.
Talsik ang Crossovers na nakahugot kay American reinforcement Khat Bell ng 40 markers tampok ang 39 hits.
“Masaya na iyong composure na hinahanap namin sa last game namin ng Chery lumitaw in this game. Down na kami ng two sets, pero inilaban eh,” sabi ni coach Rald Ricafort. “Credit talaga sa mga players.”
Nagdagdag si Fiola Ceballos ng 12 points habang may siyam na markers si Majoy Baron at may 23 excellent sets si veteran setter Kaf Fajardo.
“Sobrang saya namin, pati ako naiyak din ako,” wika ni Fajardo.
Matapos kunin ng PLDT ang first set, 25-23, inangkin naman ng Chery Tiggo ang sumunod na dalawang frame para ilista ang 2-1 abante sa laro.
Sa likod ni Samoilenko ay napasakamay ng High Speed Hitters ang fourth set, 25-18, bago iwanan ang Crossovers sa 10-8.
Tatlong sunod na puntos ang hinataw ng 6-foot-4 outside spiker ang nagbigay sa PLDT ng 13-9 kalamangan habang ang block ni Baron kay Bell ang nagbaon sa Chery Tiggo sa match point, 14-9.
Ang blangka ng Russian import kay Mylene Paat ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng High Speed Hitters.