Lady Louise nagpasiklab sa 3-YO Maiden race

MANILA, Philippines — Pinasiklaban ng Lady Louise ang kanyang mga tagahanga matapos nitong sikwatin ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.

Medyo naiwanan sa kaagahan ng karera ang Lady Louise dahil parang sibat na umalis sa aparato ang naglutsahan sa unahan na Bagsikatdin at Live Like An Angel.

Lamang agad ng apat na kabayo ang nagtatagisan ng bilis sa unahan na Bagsikatdin at Live Like An Angel nasa tersero ang Galactus habang pang-apat ang Lady Louise.

Subalit hindi na ito pinalayo masyado ng Lady Louise, hinarurot agad ito ng kanyang hinete na si O’Neal Cortez upang kapitan ang mga nasa unahan sa kalagitnaan ng karera.

At pagkatapos ay agad na umungos ng isang leeg ang Lady Louise sa Bagsikatdin habang naupos na ang Live Like An Angel na nasa tersero puwesto.

Patuloy ang tagisan ng bilis ng Lady Louise at Bagsikatdin sa unahan subalit pagdating sa huling kurbada ay nakalamang na ng dalawang kabayo ang winning horse.

Hindi na natinag sa unahan ang Lady Louise sa rektahan kaya nanalo ito ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang Bagsikatdin, tumersero ang Viva D’ Oro at pang-apat ang Galactus.

Nilista ng Lady Louise ang tiyempong 1:28 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na Louise Ann Decena ang P22,000 added prize.

 

Show comments