MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ni World Junior Championships semifinalist Micaela Jasmine Mojdeh ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) nang angkinin nito ang dalawang ginto, dalawang pilak at isang tanso sa Philippine Aquatics, Inc. (PAI) Short Course National Trials na ginanap sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Malate, Manila.
Mainit ang simula ni Mojdeh nang umarangkada ito sa women’s 200m breaststroke matapos magtala ng dalawang minuto at 35.05 segundo upang ilampaso sina silver medalist Riannah Coleman na may malayong 2:39.41 at bronze winner Sofia Isip na may 2:39.47.
Hataw pa ng husto si Mojdeh sa kanyang paboritong 200m butterfly kung saan nailista nito ang 2:15.31 para pataubin sina Kyla Bulaga na nagkasya sa pilak tangan ang malayong 2:25.97 at Jindsy Dasion na pumangatlo bitbit ang 2:26.12.
Maliban sa dalawang ginto, nakapilak ang Filipino-Iranian tanker sa 100m butterfly (1:02.33) at 400m Individual Medley (5:09.22) habang may tanso rin ito sa 200m Individual Medley (2:23.25).
Nagparamdam din ang iba pang miyembro ng BEST kung saan nakasungkit ni Geoffrey Liberato ng isang pilak sa men’s 50m breaststroke (28.91) at dalawang tanso sa 200m breaststroke (2:20.22) at 100m breaststroke (1:03.54).
Sa kabilang banda, nakasikwat si Joshua Pak ng isang pilak sa men’s 100m IM (58.83) at isang tanso sa 100m backstroke (57.14).
Kasama rin sa BEST sina Behrouz Mohammad Madi Mojdeh na pumanglima sa men’s 200m butterfly hawak ang personal best na 2:16.59 gayundin si Ethan Waskiewicz na may sariling personal best na 25.53 sa men’s 50m freestyle.
Nagtapos ang BEST sa 3rd place sa overall team standings bitbit ang 270 points habang napasakamay ng FTW Royals Swim Club ang overall title (448 points).