MANILA, Philippines — Pasok sa Last 16 ang tatlong Pinoy cue artists matapos magtala ng mga panalo sa knockout stage ng 2024 US 9-Ball Open Championships sa Harrah’s Resort sa Atlantic City sa New Jersey.
Tinumbok ni two-time All Japan Championship winner Johann Chua ang 10-6 panalo kontra kay Jeremy Jones ng USA sa Last 32 upang manatiling malakas ang tsansa na masungkit ang korona.
Ang dalawa pang Filipino bets na sasargo sa susunod na phase ay sina Michael Baoanan at Jefrey Roda na pinatalsik ang kanilang mga kababayang sina Lee Vann Cortez, 10-7, at Jeffrey Ignacio, 10-9, ayon sa pagkakasunod.
Tiyak nang may Pinoy na papasok sa Last 8 sa event na nakataya ang $300,000 (P16 milyon) guaranteed prize ito’y dahil magkatapat sina Chua at Roda, habang kaharap ni Baoanan si David Alcaide ng Spain.
Nakatutok ang mga Pinoy fans sa tatlong natitirang pambato ng Pilipinas lalo na kay Chua na kampeon sa 2022 WPA World Team Championship kung saan naging kakampi niya sina Carlo Biado at WPA women’s champion Rubilen Amit at hari sa 2023 World Cup of Pool at katambal si James Aranas.
Nasibak ang two-time world champion na si Biado matapos yumuko kay Skyler Woodward ng America, 7-10 sa round-of-32.