Obiena naka-bronze sa Lausanne
MANILA, Philippines — Nasiguro ni Asian record holder Ernest John Obiena ang podium finish sa 2024 Wanda Diamond League na ginanap sa Lausanne, Switzerland.
Nairehistro ni Obiena ang 5.82 metro sa kanyang unang attempt upang masikwat nito ang tansong medalya.
Kasama ng two-time Olympian na si Obiena sa third place sina Sondre Guttormsen ng Norway at Kurtis Marschall ng Australia na pareho ring may 5.82m na naitala.
Sinubukan ni Obiena na makuha ang 5.92m subalit bigo ito sa kanyang tatlong pagtatangka dahilan para magkasya lamang ito sa bronze medal.
Nasa ikaanim na puwesto naman si Paris Olympic bronze medalist Emmanouil Karalis ng Greece na may katulad na 5.82m subalit nakuha niya ito sa kanyang ikalawang attempt.
Bigo rin si Karalis na makuha ang 5.92m sa tatlong lundag.
Gaya ng inaasahan, napasakamay ni reigning world champion at two-time Olympic gold medalist Armand Duplantis ng Sweden ang ginto matapos magtala ng 6.15 metro.
Pumangalawa si Paris silver medalist Sam Kendricks ng Amerika na may nairehistrong 5.92m.
Magandang resbak ito kay Obiena na nabigong makapag-uwi ng medalya sa katatapos na Paris Olympics kung saan nagtapos ito sa ikaapat na puwesto.
Nagpasalamat si Obiena sa mga kababayan nito sa Lausanne na personal na nanood ng kanyang laban upang mabigyan ito ng mainit na suporta.
“Thanks for coming,” ani Obiena sa kanyang post sa social media.
- Latest