PLDT bubuwelo para sa quarterfinals

Ang depensa ni middle blocker Mika Reyes ang aasahan ng PLDT kontra sa Choco Mucho.
PVL

MANILA, Philippines — Panalo ang hangad ng PLDT papasok sa knockout quarterfinals, habang ito rin ang target ng Choco Mucho para makasama sa eight-team cast sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Confe­rence.

Magtutuos ang High Speed Hitters at Flying Titans ngayong alas-3 ng hapon matapos ang salpukan ng Creamline Cool Smashers at talsik nang ZUS Coffee Thunderbelles sa ala-1 sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Sa ikatlong laro sa alas-5 ng hapon maghaharap ang nagdedepensang Petro Gazz Angels at Chery Tiggo Crossovers.

Pasok na sa knockout quarterfinals ang Akari (8-0), Cignal HD (7-1), Creamline (5-2), PLDT (5-2), Chery Tiggo (5-2), Capital1 Solar Energy (5-3) at Petro Gazz (4-3).

Ang pang-walo at hu­ling silya ang pinag-aagawan ng Farm Fresh (3-5) at Choco Mucho (2-5).

Ang panalo ng F­lying Titans sa High Speed Hitters ang magtatabla sa kanila sa Foxies.

Ngunit makukuha ng Choco Mucho ang No. 8 spot kontra sa Farm Fresh dahil sa kanilang mas mataas na FIVB tiebreak score.

Samantala, hangad naman ng PLDT na makabangon mula sa five-set loss sa Petro Gazz sa kanilang huling laro papasok sa quarterfinals.

Sa quarterfinals ay lalabanan ng No. 1 team ang No. 8, haharapin ng No. 2 ang No. 7, sasagupain ng No. 3 ang No. 6 at makakatapat ng No. 4 ang No. 5.

Show comments