MANILA, Philippines — Babawi si Asian champion Ernest John Obiena sa Wanda Diamond League Lausanne Leg na gaganapin ngayong araw sa Switzerland.
Hindi maganda ang kampanya ni Obiena sa Paris Olympics matapos mabigong makasikwat ng medalya sa kabila ng pagiging paborito nitong makapasok sa Top 3.
Nagkasya lamang ito sa ikaapat na puwesto.
“I finished 4th in Paris, close but not good enough. I am not measured by this. I am measured by my career. I commit to everyone now, I am back in training, I am back in the game, and I am going to attack the rest of the season and make you proud,” ani Obiena.
Kaya naman inaasahang ibubuhos ni Obiena ang buong lakas nito sa Diamond League upang makabawi.
Isa si Obiena sa 11 pole vaulters na sasabak sa Diamond League.
Makakasagupa ni Obiena sa naturang torneo si Olympic Games two-time champion at world record holder Armand Duplantis ng Sweden.
Naitarak ni Duplantis ang Olympic at world record na 6.25m sa Paris.
Hahataw din sa Diamond League sina Paris Games silver medalist Sam Kendricks ng Amerika at bronze medalist Emmanouil Karalis ng Greece.
Nagkasya lamang sa 5.90m si Obiena sa Paris Games — malayo sa kanyang personal best na 6.0m.