MANILA, Philippines — Sa pagbabalik ni Rondae Hollis-Jefferson, sisimulan ng Talk ‘N Text ang pagdepensa nito ng titulo kontra sa NorthPort sa 2024 PBA Governors’ Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sisiklab ang aksyon sa alas-7:30 ng gabi tampok ang misyon ng Tropang Giga na makabawi ngayong Season 49 matapos mabokya sa kahit anong titulo sa Season 48.
Walang Governors’ Cup sa nagdaang season tampok ang 2-conference format lang na Philippine Cup at Commissioner’s Cup dahil sa ginanap na 2023 FIBA World Cup kaya nanatiling reigning champions ang TNT.
Matatandaang si Hollis-Jefferson ang tinanghal na Best Import sa huling Govs’ Cup na pinagharian ng Tropang Giga matapos bigyan ng unang talo sa PBA ang resident import na si Justin Brownlee ng Ginebra.
Ngayon, may mga bagong kasama si Hollis-Jefferson sa pangunguna ng ace guard na si Rey Nambatac na nakuha ng TNT mula sa trade sa Blackwater.
Naging kapalit ni Nambatac sina Kib Montalbo, Jewel Ponferada at future 2nd round pick.
Paborito ang mga bataan ni coach Chot Reyes subalit palaban din ang Batang Pier ni coach Bonnie Tan na may mga bagong manlalaro rin.
Samantala, hindi rin pahuhuli ang duwelo ng Blackwater, sa pamumuno ni No. 2 pick Sedrick Barefield, at Rain or Shine sa alas-4:30 ng hapon.
Ipaparada ng Rain or Shine ang No. 7 at No 8 picks nilang sina Caelan Tiongson at Felix Lemetti, ayon sa pagkakasunod, upang tapatan si Barefield.