MANILA, Philippines — Matapos ang walong taon ay magbabalik si Creamline coach Sherwin Meneses sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) kung saan niya hahawakan ang nagdedepensang National University Lady Bulldogs.
Papalitan ni Meneses si Norman Miguel sa kanyang pamamahala sa Lady Bulldogs.
Ang 42-anyos na si Meneses ang humawak sa Adamson Lady Falcons noong 2012 hanggang 2016 kung saan bigo siyang makakuha ng korona.
Matapos ang Lady Falcons ay iginiya naman niya ang Arellano Chiefs sa runner-up finish sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 93.
Noong 2022 ay hinirang si Meneses bilang head coach ng Cool Smashers kapalit ni Thai mentor Tai Bundit sa Premier Volleyball League (PVL).
Inihatid ni Meneses ang Creamline sa limang PVL championship kasama ang 2024 All-Filipino Conference title laban sa sister team na Choco Mucho.
Mahahawakan ni Meneses sa kampo ng Lady Bulldogs sina Alas Pilipinas members Alyssa Solomon, reigning UAAP MVP Bella Belen at Arah Panique.
Puntirya ng NU ang back-to-back UAAP crown sa darating na Season 87 tampok sina Solomon, Belen at Panique.
Wala pang detalye kung kailan sisimulang mandohan ni Meneses ang Lady Bulldogs dahil sa kampanya ng Cool Smashers sa second round ng 2024 PVL Reinforced Conference.