Thais lumapit sa gold ng SEA V.League Leg 1

Volleyball stock photo.
Unsplash

MANILA, Philippines — Lumapit ang Thailand sa pagkopo sa gold medal matapos gibain ang Vietnam, 27-25, 29-27, 25-15, sa Leg 1 ng 2024 Southeast Asian Men’s V.League kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Itinaas ng mga Thais ang kanilang kartada sa 2-0 matapos ang naunang straight set win sa mga Indonesians noong Biyernes.

Muling bumida sina Bhinijdee Napadet, Nilsawai Kissada at Thungkham Chaiwat sa pinagsama nilang 36 points para ilaglag ang mga Vietnamese sa 0-2.

Yumukod ang Vietnam sa Alas Pilipinas sa pagsisi­mula ng four-nation, three-day meet na inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa pamumuno ni president Ramon “Tats” Suzara.

Humataw si Napadet ng 13 points mula sa 11 attacks at dalawang service aces para sa Thailand  habang may 12 markers si Kissada.

Umiskor si Nguyen Ngoc Thuan ng 17 points buhat sa 12 attacks, tatlong blocks at dalawang aces sa panig ng Vietnam.

Tangka ng Thailand na mawalis ang Leg 1 sa pagharap sa Alas Pilipinas ngayong alas-6 ng gabi matapos ang laro ng Vietnam at Indonesia sa alas-4 ng hapon.

Show comments