Gilas umangat sa No. 34 sa FIBA
MANILA, Philippines — Patuloy ang pagtaas ng Gilas Pilipinas sa world rankings ng International Basketball Federation (FIBA).
Umakyat ng apat na puwesto ang mga Pinoy cagers na kasalukuyan nang nasa ika-34 mula sa dati nitong posisyon sa 38th spot.
Malaking tulong sa pagsulong ng Gilas Pilipinas ang magandang inilaro nito sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na ginanap sa Riga, Latvia.
Matatandaang ginulantang ng Gilas Pilipinas sa group stage ang host Latvia na nasa No. 5 sa world rankings noon.
Ang panalo ang naging daan upang makapasok ang Gilas Pilipinas sa semifinals ng Olympic qualifying tournament.
Subalit yumuko ang Gilas Pilipinas sa Brazil sa semis.
Nahulog naman ang Latvia sa No. 9 spot sa world rankings.
Nananatili namang nasa unang puwesto ang United States na sariwa pa sa matamis na kampeonato sa Paris.
- Latest