MANILA, Philippines — Pinigilan ng Farm Fresh ang pag-entra ng Capital1 Solar Energy sa knockout quarterfinal round matapos hatawin ang 25-17, 25-23, 25-20 panalo sa Pool D sa crossover second round ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tinapos ng Foxies ang kanilang two-game losing skid para itaas ang kartada sa 3-4 kasabay ng paghuhulog sa Solar Spikers sa 4-3.
Bumanat si Colombian import Yeny Murillo ng 15 points mula sa 13 attacks at dalawang service aces para banderahan ang Farm Fresh.
Nalimitahan si Capital1 super import Marina Tushova sa 20 points matapos magtala ng bagong PVL scoring record na 49 points kontra sa Nxled.
Bigo ang Solar Spikers na mailista ang ikaapat na sunod na panalo na magpapasok sana sa kanila sa knockout quarterfinals.
“We still have a chance at Top Three,” wika ni Murillo sa pag-abante ng Foxies sa quarterfinals. “We just need to play harder and play as a team.”
Nagdagdag si Trisha Tubu ng 12 markers habang may tig-siyam na puntos sina Caitlin Viray at Rizza Cruz para sa Farm Fresh na kinuha ang 2-0 abante sa laro bago nakalapit ang Capital1 sa 13-16 sa third set.
Muling binanderahan nina Murillo at Tubu ang opensa ng Foxies para tuluyan nang walisin ang Solar Spikers.
Sa ikalawang laro, itinakas ng Akari ang 21-25, 25-19, 25-17, 25-18 panalo sa Nxled para iposte ang imakuladang 7-0 record.
Nagsalansan si American import Oly Okaro ng 30 points mula sa 28 attacks, isang ace at isang block para muling banderahan ang Chargers palapit sa No. 1 spot sa knockout quarterfinals.
Nag-ambag si Ivy Lacsina ng 19 markers at may tig-siyam na puntos sina Grethcel Soltones at Mich Cobb.