MANILA, Philippines — Dalawang dagdag na koponan ang sasali sa pinalaki at pinalakas na East Asia Super League para sa inaabangang 2024-2025 regular season nito.
Ito ay ang Hong Kong Eastern at Macau Black Bears upang palakihin sa 10-team cast ang EASL mula sa walo sa unang dalawang seasons nito tampok ang mga pambato ng Pilipinas, South Korea, Japan at Chinese Taipei.
Beteranong team ang Eastern na dating koponan ni ngayon ay PBA star Christian Standhardinger, na naging kampeon din sa domestic league ng Hong Kong at ang kilalang ASEAN Basketball League (ABL)
Kampeon naman ang Black Bears na dati na ring sumali sa ABL at sa katatapos lang na The Asian Tournament.
Inaasahang bibigyan nila ng magandang laban ang mga karibal sa EASL na pinagwagian ng Anyang KGC mula sa South Korea at Chiba Jets ng Japan sa unang dalawang edisyon nito.
Nasa Group A ang Hong Kong, Japan B. League champion na Hiroshima Dragonflies, Korean Basketball League runner-up Suwon KT Sonicboom, P.League+ runner-up ng Taoyuan Pauian Pilots at PBA Commissioner’s Cup champion na San Miguel.
Swak naman sa Group B ang Macau, Japan runner-up na Ryukyu Golden Kings, Busan KCC Egis, New Taipei Kings at PBA Philippine Cup champion na Meralco Bolts.