MANILA, Philippines — Dumepensa si PBA vice chairman Alfrancis Chua kontra sa mga kumukwestyon sa ipapatupad na four-point shot sa PBA 49th season Governors’ Cup.
Ang nasabing four-point line kagaya ng three-point line ay maaaring gamitin o hindi ng 12 koponan sa bawat laro.
“It’s only a line. Eh di wag n’yo gamitin. Linya lang ‘yun eh. Hindi naman sinabi na sa isang quarter, kailangan tumira kayo ng tatlong beses diyan,” wika ng Barangay Ginebra team governor sa reklamo ng ilang PBA coaches.
Ang pagpapatupad ng four-point shot na ginamit sa huling dalawang PBA All-Star Game ay inaprubahan ng PBA Board of Governors sa kanilang planning session sa Osaka, Japan.
Ayon kay Chua, walang tumutol dito.
“Gusto namin ‘yung four-point shot na ‘yun. Now, iba-iba ang opinion. Ang daming nagsabi, ganito, bakit ganyan, bakit hindi sa amin sinabi,” ani Chua.
Isa si Rain or Shine coach Yeng Guiao sa nagsabing hindi nakonsulta ang mga kagaya niyang coach para sa implementasyon ng four-point shot.
“Tignan muna natin kung anong mangyayari, baka gumanda. Baka ‘yung iba diyan, kung sino pa ang ayaw, baka sila pa ang gumamit nang gumamit,” parinig ni Chua.