MANILA, Philippines — Sumadsad sa ikatlong puwesto si two-time Olympian Ernest John Obiena matapos ang bigong ratsada nito sa katatapos na 2024 Paris Olympics.
Base sa inilabas na listahan ng world governing body ng athletics, bumagsak si Obiena sa ikatlo kung saan naungusan ito ni Sam Kendricks ng Amerika na nakasungkit ng silver medal sa Paris Olympics.
Nanatili sa No. 1 position si world champion, world record holder, Olympic record holder at Paris Olympics gold medalist Armand ‘Mondo’ Duplantis ng Sweden.
Bigo si Obiena na makapag-uwi ng medalya sa katatapos na Paris Games.
Nagkasya lamang ito sa ikaapat na puwesto matapos magtala ng 5.90 metro.
Hindi naabot ni Obiena ang 5.95 metro na magbibigay sana sa kanya ng awtomatikong bronze medal.
Sa halip, napunta kay Emmanouil Karalis ng Greece ang tanso na may parehong 5.90m.
Naungusan ni Karalis si Obiena sa countback dahil nakuha nito ang naturang marka sa kanyang unang attempt lamang kumpara sa dalawang attempts ng Pinoy bet.