Matapos mabokya sa apat na sunod na Olympics, tatlong sunod na edisyon naman na hataw ang performance ng Team Philippines sa quadrennial games.
Silver medal mula kay weightlifter Hidilyn Diaz ang bumasag sa medal drought sa Rio de Janeiro noong 2016. Sinundan ito ng 1-2-1 gold-silver-bronze harvest sa Tokyo 2021 at 2-0-2 haul sa katatapos na Paris Games.
Matulin ang panahon, at hindi maglalaon eh nandiyan na ang 2028 Los Angeles Games.
Beinte-otso pa lang si Carlos Yulo sa 2028, at malamang na panlaban pa rin para sa ginto.
Malamang nariyan pa rin sina Aira Villegas, Carlo Paalam at ganoon din si EJ Obiena.
Ang siste, eh masalimuot ang sitwasyon ng international boxing association, kaya nagbabadya ang pagka-scrap ng boxing sa 2028 calendar.
Kung hindi maaayos ang gusot, masakit ito para sa Pilipinas, considering dito regular bumubunot ng medalya ang bansa.
Pero kung may boxing man o wala, laban ang Team Philippines na pahabain ang medal streak sa summer games.
Kasama sa maaaring asahan ang mga weightlifters.
Zero sila sa Paris dahil mga bata pa sina John Ceniza, Arleen Ann Ando at Vanessa Sarno. Inaasahang mahihinog ang mga ito in four years, at malamang na panlaban na sa LA.
At muli, nandiyan si Yulo upang pangunahan ang pagwagayway sa national colors.
Malamang na pasok pa rin ang Pilipinas sa medal table.