MANILA, Philippines — Itinakas ng Choco Mucho ang dramatikong 25-16, 25-11, 23-25, 19-25, 15-12 panalo kontra sa Chery Tiggo sa crossover second round ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tinapos ng Flying Titans ang kanilang two-game losing skid para itayo ang 2-4 baraha sa Pool C at sumilip ng tsansa sa knockout quarterfinals.
Nadiskaril ang pag-entra ng Crossovers sa quarterfinals sa kanilang 4-2 marka.
“Iyong pinaka-mindset namin is makuha lang namin itong game na ito kasi hindi pa naman tapos,” ani Me-An Mendrez na humataw ng 18 points mula sa 14 attacks, dalawang blocks at dalawang service aces para sa Choco Mucho.
Nagtala rin si Mendrez ng 15 excellent receptions.
Umiskor si Dindin Santiago-Manabat ng 17 markers.
Pinigilan ng Crossovers na mawalis sila ng Flying Titans matapos agawin ang third at fourth set para makatabla sa 2-2 patungo sa fifth frame.
Sa fifth set ay kinuha ng Choco Mucho ang 12-5 bentahe sa likod ni Mendrez bago nakadikit ang Chery Tiggo sa 12-14 mula sa atake ni Bell.
Ang crosscourt attach ni Santiago-Manabat mula sa set ni Deanna Wong, may 19 excellent sets, ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Flying Titans laban sa Crossovers.
Sa ikalawang laro, pinigilan ng nagdedepensang Petro Gazz ang pagpasok ng Creamline sa quarterfinals mula sa 25-23, 25-19, 20-25, 23-25, 15-12 pagtakas.
Itinaas ng Gazz Angels ang record sa 3-3 at inilaglag ang Cool Smashers sa 4-2.