MANILA, Philippines — Nakahanda na ang lahat sa pagdating ng Pinoy athletes na tagumpay sa kampanya nito sa 2024 Paris Olympics.
Darating ngayong hapon ang Team Philippines sakay ng isang chartered flight na lalapag sa Villamor Airbase.
Mula Paris, sasakay ang delegasyon sa Emirates flight patungong Dubai, United Arab Emirates para sa connecting flight nito pabalik sa Maynila.
Nangunguna sa listahan si gymnast Carlos Edriel Yulo na humataw ng dalawang gintong medalya sa men’s floor exercise at men’s vault.
Kasama ni Yulo sina boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas na parehong sumuntok ng tansong medalya sa kani-kanyang dibisyon.
Kasabay nina Yulo, Petecio at Villegas sa pag-uwi sa Pilipinas ang ilang atleta at opisyales na bahagi ng delegasyon.
Sa inisyal na plano, mula sa Villamor Airbase, magtutungo ang mga atleta sa Malacañang upang makaharap si Pangulong Bongbong Marcos.
Inaasahang ibibigay ni Marcos ang insentibo ng mga atletang nanalo.
Nakatakdang tumanggap si Yulo ng P20 milyon dahil sa two-gold medal output nito habang may tig-P2 milyon naman sina Petecio at Villegas.
Posibleng madagdagan pa ito sa oras na maglabas ng panibagong insentibo si Marcos para sa mga medal winners sa Paris Games.
Nakasaad sa batas na magkakamit ng P10 milyon ang gold medalist sa Olympic Games habang P5 milyon naman para sa silver medalist at P2 milyon sa bronze medalist.
Bukod pa rito ang mga insentibo at regalong ibibigay ng mga private sectors gaya ng condo unit, house and lot, kotse at mga lifetime perks.