Solomon Best Opposite Spiker

MANILA, Philippines — Hinirang si Alas Pilipinas member Alyssa Solomon bilang Best Opposite Spiker ng katatapos na 2024 Southeast Asian Volleyball League (SEA V.League) Leg 2 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Nagpasabog ang National University Lady Bulldogs standout ng 25 points sa 20-25, 25-20, 16-25, 25-20, 15-10 pag-eskapo ng mga Pinay spi­kers kontra sa Indonesia.

Inangkin ng Alas Pilipinas ang ikalawang sunod na bronze medal na nakamit din nila sa Leg 1 ng torneo na idinaos sa Vietnam.

Kumabig si Solomon ng average na 10.3 points sa mga kabiguan ng Alas Pilipinas laban sa nagreynang Thailand at Vietnam.

Hindi naglaro si Solomon kasama si NU teammate Bella Belen para sa national squad sa nakaraang 2024 AVC Challenge Cup matapos makuha ng Lady Bulldogs ang UAAP Season 86 women’s volleyball crown.

Kinilala si Belen bilang league Most Valuable Player, habang hinirang si Solomon na Finals MVP.

Laban naman sa Indonesia ay nag-ambag si Sisi Rondina ng 18 points at may 12 markers si Jema Galanza para sa ikalawang dikit na podium finish ng tropa sa 2024 SEA V.League.

Show comments