Yulo, Villegas bibida sa Team Philippines sa closing

Carlos Edriel Yulo
STAR/File

MANILA, Philippines — Masayang dadalo ang Team Philippines sa closing ceremony ng 2024 Paris Olympics.

Pangungunahan ni double gold medalist Carlos Edriel Yulo ng gymnastics at bronze winner Aira Villegas ng boxing ang pambansang delegasyon sa parade of nations.

Napili sina Yulo at Villegas ng Philippine Olympic Committee bilang flag bearers sa closing rites na inaasahang magiging magarbo rin partikular na ang pagpapasa ng hosting rights ng France sa USA na magsisilbing host ng 2028 Olympic Games sa Los Angeles, California.

Kasama sa programa si Tom Cruise kung saan isang Hollywood-inspired program ang masisilayan ng buong mundo.

Maliban kina Yulo at Villegas, dadalo rin sa closing ceremony si Paris Olympics bronze medalist Nesthy Petecio at Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam — ang flag bearers ng bansa sa opening ceremony.

Kasama rin ang iba pang atleta na sina Hergie Bacyadan at Eumir Marcial ng boxing, Lauren Hoffman ng athletics, at sina John Ceniza, Elreen Ando at Vanessa Sarno ng weightliting.

Nagkumpirma rin sina coaches at officials Mitch Martinez, Reynaldo Galido, Donald Abnett, Elmer Pamisa, Ronald Chavez, Louise Gopez, Bethel Solano, Christopher Bureros, Antonio Agustin at Marcus Jarwin Manalo.

Matagumpay ang ratsada ng Team Philippines matapos masungkit ni Yulo ang dalawang gintong medalya mula sa men’s floor exercise at men’s vault.

Dinagdagan ito ng dalawang tanso galing kina Petecio sa women’s featherweight at Villegas sa women’s flyweight.

Ito ang pinakamataas na pagtatapos ng Pilipinas sa Olympic Games sapul noong sumabak ito noong 1924.

Nalampasan din ng Team Philippines ang isang ginto, dalawang pilak at isang tansong produksiyon nito noong 2021 Tokyo Olympics.

Ang Pilipinas din ang may pinakamataas na ranking sa Southeast Asian region.

Pumangalawa ang Indonesia na may isang ginto at isang tanso habang nasa ikatlo lamang ang Thailand na may isang ginto, tatlong pilak at dalawang tanso.

Uuwi namang luhaan ang Vietnam na walang nakuhang medalya ni isa.

Show comments