Team USA sinikwat ang Olympic gold

Ang Team USA ang hinirang na kampeon sa katatapos lang na 2024 Paris Olympics.
STAR/File

MANILA, Philippines — Napanatili ng Team USA ang trono nito sa mundo ng basketball matapos kaldagin ang host na France, 98-87, upang pagharian ang 2024 Paris Olympics men’s basketball kahapon sa Bercy Arena.

Lumamang ng hanggang 14 puntos ang Team USA subalit kinailangan ang pamamayani ni Stephen Curry sa crunch time nang lumapit sa hanggang 79-82 ang France upang maisalba ang koponan.

Apat na sunod na tres ang binomba ni Curry sa last 2 minutes tungo sa 24 puntos matapos magliyab sa 36 sa 95-91 semifinal win nila kontra sa Serbia upang trangkuhan ang USA sa ikalimang sunod na gintong medalya at ika-17 sa kasaysayan ng Summer Games.

Nag-ambag ng tig-15 sina Kevin Durant at Devin Booker habang may 14 puntos, 6 rebounds at 10 assists si LeBron James upang mahirang na Olympics MVP ng International Basketball Federation (FIBA).

Matamis na higanti para sa USA, na tinaguriang “Avengers” ni James matapos ang fourth-place finish sa 2023 FIBA World Cup na ginanap sa Pilipinas.

Ito ang unang gintong medalya ni Curry, ikatlo kay James habang ikaapat kay Durant na siya ring top scorer ng USA sa Olympics upang maging pinakamatagumpay na American basketball player sa kasaysayan ng Summer Games.

Hindi nagkasya ang 20 puntos ni NBA Rookie of the Year Victor Wenbanyama pati na ang 20 at 12 puntos nina Guerschon Yabusele at Nando De Colo para sa France na wagi ng silver medal sa ikalawang sunod na Olympics matapos din ang 87-82 kabiguan kontra sa Team USA sa Tokyo.

Samantala, sinikwat ng Serbia ang bronze medal matapos ang matamis na 93-83 higanti sa World Cup champion na Germany sa likod ng 19 puntos, 12 rebounds at 11 assists ni NBA MVP Nikola Jokic.

Show comments