Pinay golfers hihirit sa pagtatapos ng Paris Games

Itinuturo ni Bianca Pagdanganan ang bandila ng Pilipinas na naka-dikit sa kanyang damit.
Cignal

PARIS - Patuloy pa rin ang pakikibaka nina Bianca Pagdanganan at Dotie Ardina sa hangaring madagdagan ang medalya ng Pilipinas sa women’s golf competition dito sa Le Golf National kahapon.

Bagsak si Pagdanganan sa joint 13th place bitbit ang two-over 214 total malayo sa 207 total nina co-leaders Morgane Metraux ng Sweden at Lydia Ko ng New Zealand at 209 total nina Rose Zhang ng United States at Miyu Yamashita ng Japan

Nasa 23rd spot naman si Ardina sa kanyang one-over 217 total.

Malungkot na lumalaban ang dalawang huling baraha ng Team Philippines sa papatapos na 2024 Paris Games.

Ang masama pa ay nagkaroon ng isyu sa pla­ying uniform ng golf team at ang sigalot sa loob ng weightlifting unit.

Nagposte si Ardina ng isang video na naging viral sa social media kung saan ipinakita niya ang duct tape para idikit ang Philippine flag patch sa kanyang jersey.

Ibinulong niyang sila lamang ni Pagdanganan sa golf competition ang nag­lalaro na walang uniform.

Sa South Paris Arena 6 sa Paris 15th District, bigong makabuhat ng medalya ang weightlif-ting team matapos ang nakuhang DNF (Did Not Fi­nish) card ni Va­nessa Sarno kagaya ni John Ceniza noong Miyerkules.

Umiyak si Sarno matapos hindi mabuhat ang kanyang start weight na 100kg kung saan sinabi niyang nagsasanay siya “in a toxic environment.”

“Ang pangit po pag ganoon yung environment while preparing for the Olympics kasi aminado po ako na naging mahina po yung mentality ko po pagdating sa mga tao na nasa paligid ko po na sobrang toxic,” ani Sarno.

Nagkaroon kasi ng pagpapalit ng mga coaches bago ang Paris Olympics.

Kulelat siya sa wo­men’s 71kg na pinag­reynahan ni Olivia Reeves sa kanyang bagong Olympic mark na 117kg sa snatch at 145kg sa clean and jerk para sa winning total na 262kg.

Ang silver ay nakuha ni Colombian Mari Leivis Sanchez at bronze si Angie Paola Palacio Dajomes ng Ecuador.

Show comments