MANILA, Philippines — Dating NBA Slam Dunk champion na si Glenn Robinson III ang inaasahang isa sa mga imports na yayanig sa inaabangang 2024 PBA Governors’ Cup sa Agosto 18 sa Smart-Araneta Coliseum.
At ngayon pa lang ay hindi na makapag-hintay ang sabik na American ace na makapagpasiklab para sa Magnolia Hotshots lalo’t ito ang unang salang niya bilang import sa kahit anong bansa.
“I’ve never been an import before,” ani Robinson, anak ng dating NBA standout din na si Glen. “I’m expected to bring a high level of game whenever I can bring and that’s why I’m here.”
Produkto ng Michigan si Robinson III na napili ng Minnesota Timberwolves bilang No. 40 pick noong 2014 NBA Draft bago maglaro rin sa Philadelpia 76ers, Indiana Pacers, Detroit Pistons, Golden State Warriors at Sacramento Kings.
Sa Pacers nagwagi ang 30-anyos na high-flyer ng Slam Dunk title noong 2017 NBA All Star Wekeend sa New Orleans.
Pangako ni Robinson, na huling naglaro para sa Wisconsin Herd na affiliate ng Milwaukee Bucks sa NBA G League, na maipakita ang parehong kalibre sa Magnolia at sa PBA.