MANILA, Philippines — Magpaparada ng bagong import ang San Miguel Beer sa katauhan ni Jordan Adams para sa inaabangang 2024 PBA Governors’ Cup sa Agosto 18 sa Smart-Araneta Coliseum.
Papalitan ng Amerikanong si Adams, dating manlalaro ng Memphies Grizzlies sa NBA, ang original reinforcement ng Beermen na si Tauras Jogela ng Lithuania.
Kagagaling lang ni Adams sa kampanya para sa Dewa United Banten sa Indonesia Basketball League (IBL) kaya walang problema ang kundisyon upang makahabol sa training camp ng SMB.
Sa pangunguna ni Adams ay trinangkuhan ng Dewa ang IBL elimination rounds bago masilat sa semifinals ng Satria Muda na tinalo naman ni Justin Brownlee at ng Pelita Jaya sa finals.
Isa lang si Brownlee, resident import ng Barangay Ginebra at naturalized player ng Gilas Pilipinas, sa mga mahigpit na makakaribal ni Adams sa PBA.
Swak din dito ang dalawa pang returning imports na sina Allen Durham ng Philippine Cup champion Meralco at Aaron Fuller ng Rain or Shine habang bagito na ang lahat sa PBA.
Subalit hindi inaasahang magpasindak si Adams na hitik sa karanasan sa edad na 30-anyos.
Matapos ang collegiate career sa UCLA kasama rin ang dating SMB import si Shabazz Muhammad, nasikwat ng Grizzlies bilang No. 22 pick si Adams bago maging import na sa iba’t ibang bansa.