MANILA, Philippines — Sa ikalawang sunod na Olympiada ay magtutuos ang powerhouse teams na USA at France para sa trono ng men’s basketball.
Naikasa ng Team USA at host na France ang pambihirang rematch matapos takasan ang Serbia at Germany, ayon sa pagkakasunod, sa umaatikabong semifinals ng Paris Olympics kahapon sa Bercy Arena.
Unang umeskapo ang USA sa Serbia, 95-91, bago sumunod ang France kontra sa Germany, 73-69, para magharap muli sa finals matapos ang 87-82 panalo ng Team USA kontra sa France noong 2020 Tokyo Olympics.
Subalit hindi ito naging madali lalo na sa Team USA na kinailangang bumalikwas mula sa 17-point deficit kontra kina three-time NBA MVP Nikola Jokic at mga palabang Serbians.
Nagbuslo ng 36 puntos si Stephen Curry sa likod ng 9 na tres upang trangkuhan ang pambihirang comeback win ng USA sa pinakamalaking tambak nila simula nang ipadala ang NBA players noong 1992 Barcelona Olympics.
Makakaharap ng Serbia ang Germany sa bronze medal match matapos ang kanilang final duel noong 2023 FIBA World Cup na pinagwagian ng Germany sa Pilipinas.