PARIS — Nakuntento si lady boxer Nesthy Petecio sa bronze medal matapos matalo kay Julia Szeremeta ng Poland sa semifinal round ng women’s 57-kilogram division dito sa Stade Roland Garros.
Bigo si Petecio na makuha ang ginto sa kanyang ikalawang sunod na Olympic finals matapos ang pilak na medalya sa Tokyo Games noong 2021.
“Sobrang labo, sobrang labo talaga,” ani Petecio sa pagkatalo niya kay Szeremeta. “Wala siyang clear punch sa third round, iyong body shots ko, hook ko pumapasok, hindi ko alam kung ano ang nangyari.”
Ibinigay ng mga judges sa Polish boxer ang 4-1 iskor sa kanilang semis bout.
Kaagad kinuha ni Petecio ang 5-0 bentahe sa first round bago rumesbak si Szeremeta sa second round mula sa 4-1 kalamangan.
Sa third round ay kumonekta ng mga suntok si Petecio, habang agresibo si Szeremeta sa kabuuan ng nasabing laban.
Ngunit sa pagtatapos ng upakan ay ibinigay ng mga judges ang panalo kay Szeremeta.
Sa kanyang semis finish ay gumawa ng kasaysayan si Petecio bilang unang Philippine boxer na sumuntok ng dalawang medalya sa magkasunod na Olympics.
Siya ang ikaapat na Filipino Olympian na nanalo ng multiple medals bukod kina gymnast Carlos Yulo, weightlifter Hidilyn Diaz at swimmer Teófilo Yldefonso.
“We came with five boxers and going home with two Olympic bronze medals,” ani Association of Boxing Alliances in the Philippines president Ricky Vargas.
Isinara ng Team ABAP ang 2024 Paris Olympics sa nahakot na dalawang bronzes na mas mababa sa nakolektang dalawang silver at isang bronze sa 2021 Tokyo Games.