Team Philippines may tanso galing kay Villegas

MANILA, Philippines — Pormal nang naidagdag sa kaban ng Pilipinas ang tansong medalya mula kay boxer Aira Villegas kahapon matapos ang laban nito sa 2024 Paris Olympics boxing competitions sa Roland-Garros Stadium.

Nakuha ni Villegas ang tanso nang umani ito ng kabiguan sa kamay ni Buse Naz Cakiroglu ng Turkey sa semifinals ng women’s 50-kilogram division.

Pumabor ang lahat ng limang hurado mula Ireland, Slovakia, South Korea, Sri Lanka at Argen­tina sa Turkish boxer na binigyan ng 30-27, 30-26, 30-27, 30-27 at 30-26 iskor.

Ito ang unang Olympics ni Villegas. At sa kanyang unang pagsalang, masaya ito na makapag-uuwi ito ng medalya.

Kaya naman walang pagsisisi si Villegas.

“Hindi naman ako disap­pointed dahil ginawa ko lahat ng makakaya ko. Halos pareho kami ng laro. Nagpag-aralan niya ang galaw ko at talagang ma­lakas siya. For me ginawa ko ang lahat ng best ko,” ani Villegas.

Hindi man naiuwi ang gintong medalya, umaasa si Villegas na proud pa rin ang mga kababayan nito sa kanyang tagumpay tangan ang tansong medalya.

Para kay Villegas, ang kinang ng kanyang tansong medalya ay para na ring gold medal.

“Sa lahat ng nagpuyat para mapanood ang laban ko, sorry po. Mag uuwi pa rin po ako ng medalya. Sana proud pa rin kayo sa akin,” ani Villegas.

Hindi naging madali ang pinagdaanan ni Villegas bago maabot ang inaasam na tanso.

Tatlong sunod na panalo ang naitala nito kabilang ang unanimous decision win kay Moroccan Yasmine Mouttaki sa round of 32.

Walang balak magretiro si Villegas dahil pangarap nitong makasungkit ng gintong medalya sa susunod na Olympics.

“Hindi pa naman po ito ang end dahil in the future magkikita at makikita ulit kami. Sa susunod kaila­ngan ko talagang bumawi,” ani Villegas patungkol sa Turkish boxer na nakalaban nito.

Nais din ni Villegas na marinig ang national anthem ng Pilipinas sa Olympic Games bago ito magretiro. 

Show comments