MANILA, Philippines — Hinataw ng Capital1 Solar Energy ang ikalawang dikit na ratsada, habang kinumpleto ng Akari ang five-game sweep sa first round sa Pool B ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pinatumba ng Solar Spikers ang ZUS Coffee Thunderbelles, 18-25, 25-20, 25-19, 25-18, tampok ang 32 points ni Russian import Marina Tushova.
“We’re really excited, especially because the franchise do and we’re still building this program. So we’re really proud that we continue fighting,” ani setter Iris Tolenada na nagtala ng 21 excellent sets at limang puntos para sa 3-2 record ng Capital1 papasok sa second round.
Bagsak ang ZUS Coffee sa 0-5 baraha sa kabila ng 22 points ni Japanese import Asaka Tamaru at 12 markers ni Dolly Verzosa.
Sa unang laro, tumipa si American import Oly Okaro ng 24 points mula sa 22 attacks, isang block at isang service ace sa 15-25, 25-17, 25-19, 25-22 paggiba ng Chargers sa Cignal HD Spikers
Nag-ambag si Ivy Lacsina ng 14 points, habang may 10 markers si Ced Domingo at naglista ng 14 excellent sets si Kamille Cal para sa 5-0 marka ng Akari.
“Every time, we would lose the first set, then we would rise,” ani Japanese coach Taka Minowa. “That’s what we need to work on differently because if we keep on doing that, we just make it high intensity when we can win at 3-0.”
Pinamunuan ni Venezuelan reinforcement MJ Perez ang Cignal sa kanyang 24 points galing sa 24 attacks.