MANILA, Philippines — Balik-PBA din ang batikang guard na si Alex Cabagnot at sa pagkakataong ito ay para sa Converger FiberXers sakto sa pagbubukas ng PBA Season 49 simula sa Governors’ Cup sa Agosto 18 sa Smart-Araneta Coliseum.
Inanunsyo ito ng FiberXers matapos ang contract signing sakto sa pagbabalik ni Cabagnot mula sa kanyang international stint bilang import ng Taiwan Mustangs sa The Asian Tournament.
Inaasahan ang malaking responsibilidad ni Cabagnot sa bagitong koponan na magabayan ang mga papasibol palang nitong gwardiya tulad nina Schonny Winston, Aljun Melecio, Alec Stockton at Mike Nieto.
Huling naglaro sa PBA si Cabagnot noong nakaraang taon para sa Terrafirma bago maging Pinoy import sa Korean Basketball League (KBL) para sa Goyang at tsaka sa Taiwan.
Bago iyon, kabuuang 17 taon ang karanasan ni Cabagnot sa PBA buhat nang maging 2nd overall pick ng Sta. Lucia noong 2005 draft.
Naglaro rin siya sa Coca Cola, Burger King at NorthPort (dating Globalport) pero pinaka-nagtagal siya sa San Miguel, kung saan siya nagwagi ng 9 na kampeonato.
Bagamat edad 41 anyos na, matinik at palaban pa rin si Cabagnot na siyang aasahan ng Converge bilang dating Finals MVP, Mythical Team member, 8-time All-Star at All-Star Game MVP.
Nauna nang nagbalik sa PBA at sa Converge si dating Gilas Pilipinas head coach Rajko Toroman.