Caloy mayaman na pagbalik ng Pinas

Carlos Edriel Yulo

MANILA, Philippines — Mas lalo pang lumobo ang insentibong matatanggap ni Carlos Edriel Yulo matapos umangat sa dalawang gintong medalya ang produksiyon nito sa 2024 Paris Olympics.

Nasungkit ni Yulo ang kanyang ikalawang ginto nang pagharian nito ang men’s vault sa pamamagitan ng impresibong 15.116 average score.

Naglista si Yulo ng 15.433 points (6.000 sa difficulty at 9.433 sa exe­cution) sa kanyang unang lundag kasunod ang 14.800 points (5.600 sa difficulty at 9.200 sa execution) sa ikalawang lundag.

Nauna nang pinagha­rian ni Yulo ang men’s floor exercise noong Sabado ng gabi (oras sa Maynila).

Dahil dito, uma­ngat na sa P20 milyon ang matatanggap nito sa gobyerno na nakasaad sa RA 10699 o mas kilala sa ‘Sports Benefits and Incentives Act of 2001.’

May P10 milyon ang isang atletang magkakamit ng ginto sa Olympics habang P5 milyon naman sa silver medalist at P2 milyon sa bronze medalist.

Mas pinaganda pa ang ibibigay na condo unit ng Megaworld kay Yulo dahil mula sa 2-bedroom, magiging 3-bedroom unit na ito kasama pa ang libreng parking na nagkakahalaga ng kabuuang P32 milyon.

Bukod pa rito ang P3 milyon na ibibigay ng condo developer.

May P3 milyon din na ipinangako ang kongreso para sa mga magbubulsa ng gintong medalya sa Paris Olympics.

Magbibigay pa ang Philippine Olympic Committee ng house and lot habang kani-kanyang pledge rin ang iba’t ibang kumpanya para kay Yulo.

Nais ni Yulo na pasa­lamatan ang lahat ng sumuporta sa kanyang laban ngunit binigyang diin nito ang mga totoong tao na tumulong at gumabay sa kanya.

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga sumuporta sa akin,” ani Yulo.

 

Show comments