Alas hinataw ang bronze sa Leg 1 ng SEA V.League

Ginawaran si Thea Gagate ng Alas Pilipinas bilang Best Middle Blocker sa Leg 1 ng SEA V.League na ginanap sa Vietnam.

MANILA, Philippines — Winakasan ng Alas Pilipinas ang two-year, 11-game tournament losing slump simula noong 2022 para angkinin ang bronze medal ng Leg 1 ng 2024 Southeast Asian Volleyball League (SEA V.League) sa Huang Phueng sa Vietnam.

Tinapos ng mga Pinay spikers ang kanilang kampanya sa 1-3 tampok ang 25-23, 15-25, 25-23, 25-21 panalo sa Indonesia sa nasabing two-leg series.

Ito rin ang unang SEA V.League medal finish ng Pinas matapos ang back-to-back bronzes ng inaugural four-nation meet noong 2019 kung saan naglaro sina setter Jia de Guzman at libero Dawn Macandili-Catindig.

Sa Leg 1 ng 2024 SEA V.League ay hinirang si De Guzman bilang Best Setter, habang kinilala si 6-foot-2 Thea Gagate bilang Best Middle Blocker kasama si Dinh Thi Tra Giang ng Vietnam.

Ang Best Setter award din ang nakuha ng 27-an­yos na si De Guzman sa nakaraang 2024 AVC Challenge Cup for Women kung saan hinablot ng Alas Pilipinas ang makasaysayang bronze medal.

Sunod na sasalang ang mga Pinay spikers sa Leg 2 na idaraos sa Thailand sa Agosto 9 hanggang 11.

Sa Agosto 9 ay haharapin ng Alas Pilipinas ang Thailand kasunod ang Vietnam sa Agosto 10 at ang Indonesia sa Agosto 11.

 

Show comments