Back-to-back wins asam ng Capital1
MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na panalo ang puntirya ng Capital1 Solar Energy, habang pag-aagawan ng Cignal HD at Akari ang solong liderato sa Pool B ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Haharapin ng Solar Spikers ang ZUS Coffee Thunderbelles ngayong alas-3 ng hapon matapos ang bakbakan ng HD Spikers at Chargers sa ala-1 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sa huling laro sa alas-5 ng hapon ay maghaharap ang nagdedepensang Petro Gazz Angels at Choco Mucho Flying Titans.
Magkasosyo sa ibabaw ng team standings ang Cignal at Akari sa magkatulad nilang 4-0 record kasunod ang Capital1 (2-2), Choco Mucho (1-3), Petro Gazz (1-3) at ZUS Coffee (0-4).
Nagmula ang Solar Spikers sa malaking 13-25, 25-21, 18-25, 25-20, 15-13 panalo sa Flying Titans tampok ang PVL record-breaking 45 points ni Russian import Marina Tushova.
Sinira ni Tushova ang dating PVL mark na 44 points ni Akari foreign guest player Prisilla Rivera ng Dominican Republic noong 2022.
“About this 45 points, it’s good for sure but it’s not like I’m already on top of my career or I’m better than someone else, it’s just one game,” wika ng 25-anyos na si Tushova.
Sinabi naman ni coach Roger Gorayeb na kailangan ng kanilang Russian reinforcement ng suporta mula sa kanyang mga local teammates.
“Marina has been carrying our offense for the past three games. Still kailangan pa rin ‘yung local players na mag-contribute nang mag-contribute. Kailangan magtulungan kami,” ani Gorayeb.
- Latest