Yulo instant millionaire

Carlos Edriel Yulo

MANILA, Philippines — Bubuhos ang biyaya kay two-time world champion Carlos Edriel Yulo matapos angkinin ang gintong medalya sa men’s floor exercise sa Paris Olympics.

Kabilang na sa listahan ng matatanggap nito ang tumataginting na P10 mil­yon mula sa gobyerno.

Nakasaad sa Under Republic Act 10699 o mas kilala sa tawag na ‘Sports Benefits and Incentives Act of 2001,’ tatanggap ang gold medalist sa Olympic Games at Winter Olympics ng P10 milyon kasama ang Olympic Gold Medal of Valor mula sa Philippine Sports Commission (PSC).

Magkakamit naman ang silver medalists ng P5 milyon habang may P2 milyon naman para sa bronze medalists.

Kabilang pa rito ang isang brand-new na condominum unit sa pamosong McKinley Hill sa Taguig City na nagkakahalaga ng P24 milyon.

Ang condo unit ay pa­ngako ng Megaworld.

“It’s a gold for the Phi­lippines! Congratulations Carlos Yulo! Welcome to your McKinley Hill home!” ayon sa post ng Megaworld.

Bukod pa rito ang iba pang pangako ng malala­king kumpanya para kay Yulo.

Inaasahang bubuhos pa ang insentibong makukuha ni Yulo gaya nang nangyari kay Tokyo Olympics gold medalist Hidiyn Diaz.

Isang buffet restaurant ang nangako ng lifetime buffet para kay Yulo kung saan maari itong kumain anumang oras naisin nito.

Inaasahang magbibigay din ng bahay si Philippine Olympic Committee (POC) president Bambol Tolentino tulad ng ginawa nito noon kina Diaz, Tokyo Olympics silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at bronze winner Eumir Marcial.

Nasungkit ni Yulo ang gintong medalya matapos makakuha ng impresibong 15.000 puntos sa finals ng floor exercise kung saan tinalo nito sina silver medalist Artem Dolgopyat ng Israel na may 14.966 points at bronze medalist Filipino-British Jake Jarman ng Great Britain na may 14.933 points.

Hindi maipaliwanag ni Yulo ang sayang nadarama nito matapos mabigyan ng karangalan ang bansa.

“I’m so overwhelmed. I’m feeling grateful for having this medal and for God. He protected me, as always,” ani Yulo.

 

Show comments