PARIS — Pupuntiryahin ni EJ Obiena ang gold medal sa men’s pole vault finals sa kanyang ikalawang sunod na pagsalang sa Olympic Games.
“I’m just going to do my thing, make the right things,” ani Obiena sa bisperas ng malakihang aerial showdown sa athletics events sa Stade de France bukas ng gabi.
Target ni Obiena na maging ikalawang Pinoy athlete na nanalo ng Olympic medal sa athletics matapos ang bronze ni Simeon Toribio sa high jump noong 1932 Los Angeles Games.
Muling makakaharap ng World No. 2 ang ilang pamilyar na kalaban kasama si World No. 1 at titleholder Armand “Mondo” Duplantis ng Sweden na babandera sa 12-man cast.
Base sa starting vault distance sa qualifying round, paboritong manalo sina Duplantis, Obiena at Greek Emmanouil Karalis.
Matapos makalusot sa qualifying ay kalmado at kumpiyansa na si Obiena sa paglundag sa finals mula sa paggiya ni legendary coach Vitaly Petrov.
Maghahangad din ng ginto sina Sondre Guttormsen ng Norway, Ersu Sasma ng Turkey, Oleg Zernikel ng Germany, Memmo Vloon ng Netherlands, American Sam Kendricks, Chinese Huang Bokai, German Bo Kanda Baehre, Latvian Valters Kreiss at Australian Kurtis Marschall.