MANILA, Philippines — Kasado na ang quarterfinals ng Paris Olympics men’s basketball tampok ang huling 8 koponan sa pangunguna ng bigatin at wala pang galos na Team USA.
Kinaldag ng Team USA ang Puerto Rico kahapon para kumpletuhin ang 3-0 sweep sa Group C papasok sa quarterfinals ng prestihiyosong Summer Games.
Sa parehong grupo ay dinaig ng Serbia ang South Sudan, 96-85, para masiguro ang No. 2 spot at makasikwat din ng quarterfinal tiket sa pagtatapos ng elimination rounds.
Makakasama nila sa quarterfinals ang Canada (3-0) at Australia (1-2) ng Group A pati na ang reigning World Cup champion Germany (3-0) at host France (2-1) ng Group B.
Naiskor naman ng Greece (1-2) mula sa Group A at Brazil (1-2) mula sa Group B ang pinakamalaking quotient sa lahat ng third-place teams upang maselyuhan ang huling da-lawang quarterfinal tickets.
Sa pangunguna nina LeBron James, Stephen Curry at Kevin Durant, makakatapat ng Team USA ang American rival na Brazil habang magtatagisan ang Serbia, sa pamumuno ni NBA MVP Nikola Jokic, at Australia sa kanilang quarterfinal bracket.
Sa kabilang bracket naman ay bida ang Germany kontra kina Giannis Antetokounmpo at Greece pati na rin ang Canada, tampok si Shai Gilgeous-Alexander, kontra kina NBA Rookie of the Year Victory Wenbanyama at Defensive Player of the Year Rudy Gobert ng France.
Matatandaang nagkasya lang sa fourth place ang Team USA sa 2023 FIBA World Cup na ginanap sa Pilipinas matapos mabigo sa Germany sa semis at Canada sa bronze medal match kaya siguradong gigil na makabawi sa Olympics.