MANILA, Philippines — Nakatutok ang atensiyon ni Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio sa target nitong masikwat ang silya sa semifinals ng women’s 57kg sa 2024 Paris Olympics boxing competitions na magpapatuloy ngayong gabi sa North Paris sa France.
Subalit mapapalaban muna si Petecio dahil sasagupain nito si Chinese Xu Zichun sa quarterfinals na sasambulat sa alas-9:30 ng gabi.
Kung makakapasok sa semis si Petecio, makasisiguro na ito ng tansong medalya para sa Team Philippines.
Kaya naman matinding puwersa ang ilalatag ni Petecio upang masigurong makapag-uuwi ito ng medalya.
Umabante si Petecio sa quarterfinals nang patumbahin nito si third seed Amina Zidani ng France sa Round of 16 kahapon (Sabado) ng umaga.
Naitala ni Petecio ang majority decision kung saan pumabor sa kanya ang apat na hurado sa iskor na 29-28, 29-28, 29-28 at 30-27 habang nakuha ng French boxer ang isang judge na may ibinigay na 29-28.
Nakuha ng French bet ang first round kaya naman agad na umaksiyon si Petecio sa second round matapos pakawalan ang matutulis na atake.
Ipinagpatuloy pa ni Petecio ang dominanteng laro nito sa third round para tuluyang makuha ang panalo.
Nauna nang tinalo ni Petecio si Jaismine Lamboria ng India sa Round of 32.
Namaalam na sa kontensiyon sina Eumir Marcial (men’s 80kg) at Hergie Bacyadan (women’s 75kg) matapos matalo sa kani-kanyang unang asignatura.