Villegas ibubuhos ang lahat vs French
MANILA, Philippines — Mapapalaban ng husto si Aira Villegas na sasagupain ang hometown bet sa quarterfinals ng 2024 Paris Olympics boxing competitions.
Daraan sa butas ng karayom si Villegas kaya’t asahang ilalabas nito ang lahat ng alas nito para makasikwat ng tiket sa semifinals ng women’s 50 kg division.
Kung makakapasok si Villegas sa semis, awtomatiko itong makasisiguro ng tansong medalya para sa Team Philippines.
Subalit kailangan muna nitong malusutan si Wassila Lkhadiri ng host France bago maisakatuparan ang inaasam na podium finish.
Aminado ang national coaching staff na mahirap makalaban ang host country sa mga ganitong sitwasyon dahil kadalasan ay pumapabor sa kanila ang kapalaran.
Kaya naman gumagawa na ng game plan ang kampo ni Villegas upang makuha ang panalo.
Nakapasok si Villegas sa quarterfinals matapos maitarak ang panalo kay Roumaysa Boualam ng Algeria sa round of 16.
“Kailangan ni Aira na mas mahigitan pa ang ipinakita nito sa round of 16. Kailangan na mas malakas pa ang ilabas niya para makuha ang panalo,” ani boxing coach Boy Velasco.
Nakapasok sa quarterfinals si Lkhadiri nang makuha nito ang 4-1 desisyon laban kay Daina Moorehouse ng Ireland.
Ayaw na ng coaching staff na maulit ang nangyari kay Nesthy Petecio na natalo sa finals laban sa host Japan noong 2021 Tokyo Olympics.
- Latest