MANILA, Philippines — Solidong all-around play uli ang ipinamalas ni Justin Brownlee subalit tumaob ang kanyang koponan na Pelita Jaya kontra sa Satria Muda sa Game 1 ng 2024 Indonesia Basketball League (IBL) finals kamakalawa ng gabi sa Britama Arena sa Jakarta.
Pumukol ng 14 puntos, 6 rebounds at 7 assists si Brownlee subalit kapos pa rin para sa kanyang koponan na kailangang manalo sa Game 2 ngayong araw upang makapuwersa ng winner-take-all Game 3.
Ang kanyang IBL stint ang dahilan kaya hindi muna nakakasama sa training camp ng mother PBA club na Barangay Ginebra si Brownlee.
Kabilang na dito ang kawalan niya sa 91-87 tagumpay ng Gin Kings kontra sa New Taipei Kings na kampeon ng P.League+ sa Taiwan sa ginanap na Macau WUS International Basketball Club Challenge kamalawa sa Macau.
Inaasahang babalik na agad siya sa Pinas ngayong linggo pagkatapos ng IBL finals, kung saan hangad niya ring mapatunayan ang kanyang winning magic bilang 6-time PBA champion at 3-time Best Import awardee.
Isa si Brownlee sa inaabangang balik import sa PBA na magsisimula muna sa Governors’ Cup para sa Season 49 kasama ang kanyang karibal na si Allen Durham ng Meralco matapos ang kampanya nito sa Japan.