MANILA, Philippines — Nagpasabog si Russian import Marina Tushova ng bagong PVL scoring record na 45 points para igiya ang Capital1 Solar Energy sa dramatikong 13-25, 25-21, 18-25, 25-20, 15-13 paglusot sa Choco Mucho sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tumipa si Tushova ng 43 attacks, isang service ace at isang block para sa 2-2 record ng Solar Spikers sa Pool B kasabay ng paghuhulog sa Flying Titans sa 1-3 marka.
“That’s huge desire. I love to be here, I love to play in this gym, I love the fans, I love everyone,” sabi ng Russian outside hitter.
Mula sa 1-2 agwat sa laro ay itinabla ni Tushova ang Capital1 sa fourth set, 25-20, bago itakas ang 15-13 panalo sa fifth frame.
Ang pang-45 points ni Tushova ang sumelyo sa kanilang panalo sa Choco Mucho.
Sa unang laro, winalis ng Cignal HD ang nagdedepensang Petro Gazz, 25-19, 25-19, 25-22, para sa kanilang 4-0 kartada.
Nagposte si Venezuelan import MJ Perez ng team-high 20 points mula sa 16 attacks, tatlong blocks at isang service ace para pamunuan ang HD Spikers, habang may walo at pitong marka sina Jacqueline Acuña at Ces Molina, ayon sa pagkakasunod.
Laglag ang Gazz Angels sa 1-3 sa kabila ng hinataw na bagong conference-high 28 points ni Fil-Am Brooke Van Sickle, habang may 14 markers si Cuban import Wilma Salas.