PARIS — Aasahan ng Team Philippines sina Tokyo boxing silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam at world champion gymnast Carlos Yulo para makasikwat ng gold medal sa 2024 Olympic Games dito.
Sisimulan naman ni World No. 2 pole vaulter EJ Obiena ang kanyang kampanya bukas sa Stade de France.
Makaraan ang isang linggo ay uminit na ang laban ng Team Philippines para sa misyong makapag-uwi ng gintong medalya sa Paris Olympics.
Pakay ng mga Pinoy athletes na malampasan ang 1-2-1 gold-silver-bronze breakthrough sa Tokyo noong 2021.
Haharapin ni Petecio si home bet Amina Zidani sa women’s 57kg Round of 16 sa Paris North Arena, habang lalangoy si Jarold Hatch sa men’s 100m butterfly sa national swimming stadium at babalik si rower Joanie Delgaco sa Vaires-sur-Marne Nautical Stadium para kumarera sa 19th hanggang 24th places sa women’s single sculls.
Target ni Obiena na umabante sa pole vault final sa Lunes, habang babangon si Yulo mula sa kabiguan sa all-around event sa paglahok niya sa men’s floor exercise finals.
“Tingin ko okay ako, nabigyan ako ng confidence,” sabi ni Yulo na tumapos sa 12th place sa all-around event na dinomina ni Japanese Shinnosuke Oka kasunod sina Chinese Zhang Boheng at Xiao Ruoteng.
Kumolekta si Yulo ng 83.032 mula sa 14.333 sa floor exercise, 11.900 sa pommel horse, 13.933 sa rings, 14.766 sa vault, 14.500 sa parallel bars at 13.600 sa horizontal bar.
“Super grateful ako na healthy at naitawid ang competition (all-events final) na walang nangyari sa akin. Super grateful sa experience, madaming learnings as all-arounder. May nakuhang strategy at adjustments,” wika ni Yulo.
Konting strategy lamang ang gagawin ng Pinoy gymnast sa floor exercise finals.
“Yun na rin po ang gagawin ko sa finals. Papagandahin ko na lang ang landing. Gagandahan ko ang execution,” dagdag ni Yulo.