Diversity hinahanda sa A.P. Reyes Memorial race

MANILA, Philippines — Nakatutok ang trainer at hinete ng Diversity sa ensayo dahil nakatakda itong rumampa sa 2024 PHILRACOM “A.P. Reyes Memorial Race” na ilalarga sa Agosto 18 sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.

Bukod sa Diversity, apat na tigasing kabayo pa ang nagsaad ng pagsali sa distansyang 1,600 meter race.

May nakalaan na P500,000 guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang ibang sasali ay ang Don Julio, Easy Does It, Eutychus at Miss Hibiki.

Sasakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate ang Diversity, puntirya nila na masungkit ang P300,000 premyo.

Kukubrahin ng se­cond placer ang P112,500 habang P62,500 at P25,000 ang third at fourth, ayon sa pagkakasunod.

Ayon sa komento ng mga karerista, posibleng magbigay ng magandang laban sa Diversity ang kalahok na Don Julio na gagabayan ni John Allyson Pabilic.

Mag-uuwi naman ng P25,000 ang breeder ng mananalong kabayo habang P15,000 at P10,000 ang second at third.

Samantala, isa rin sa aabangan ng mga karerista ang line up sa 1st Leg 3-Year-Old Imported/Local Challenge race na pasisibatin sa Setyembre 1 sa parehong lugar. 

Show comments