Indian bugbog kay Nesthy

PARIS — Dinomina ni Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio si Jaismine Lamboria ng India via unanimous decision sa women’s 57kg Round-of-32 bout dito sa Paris North Arena.

Ang malalakas na pagsigaw ng “Pilipinas! Pilipinas!” ang naging motibasyon ni Petecio para dominahin si Lamboria.

“Iyon naman talaga ang inilalaban namin kapag akyat sa ring. Kapag lumabas kami pa ibang bansa, hindi pangalan ko ang dala-dala ko. Nakatatak sa dibdib ko (ang Pilipinas),” sabi ng tubong Santa Cruz, Davao Del Sur.

Dalawang puntos lamang ang ibinigay ng 32-anyos na Pinay fighter sa kanyang Indian rival sa kabuuan ng laban.

Nakahugot si Petecio ng magkakaparehong 30-27 points mula kina Kazakh Termek Suiyenish, Korean Jongjin Kim at Estonian Jakov Peterson habang nagbigay sina American Shawn Reese at Moroccan Mouhsine Soulmi ng 29-28 points kay Lamboria.

Dalawang panalo pa ang kailangan ni Petecio para umabante sa semifinals at makatiyak ng bronze medal.

Posibleng si Chinese Taipei boxer Lin Yu Ting, isa sa dalawang boxers na na-disqualify sa 2023 World Championships dahil sa gender eligibility issue at pinayagang maglaro dito sa Paris Olympics, ang sunod na makalaban ni Petecio.

 

Show comments