Unang ginto ng Pinas sisikwatin ni Caloy

PARIS — Bagama’t hindi kasama sa mga top podium contenders ay sisilip si Carlos Yulo ng tsansa na masilat ang 23 pang kalahok sa all-around finals ng 2024 Olympics men’s artistic gymnastics competition dito sa Bercy Arena.

Pang-siyam si Yulo sa qualifying round na binanderahan ni Boheng Zhang ng China.

Matapos ang all-around finals ay pupuntirya ng ginto ang 24-anyos na tubong Leveriza, Manila sa floor exercise finals sa Sabado at sa vault finals sa Linggo.

Ang all-around championship ay inaasahang magiging tapatan ng mga Chinese at Japanese aces, habang hindi magpapahuli si Fil-British bet Jake Jarman.

Hangad ni Daiki Hashimoto na maging ikatlong Japanese na hinirang na back-to-back champion sa naturang event matapos sina Sawao Kato noong 1968 at 1972 at Kohei Uchimura noong 2012 at 2016.

Target din ni Japanese Shinnosuke Oka ang ginto sa all-events na pinamunuan ni Zhang sa qualifying, habang pang-apat ang kababayang si Ruoteng Xiao.

Swak din sa finals sina Joe Fraser ng Great Britain, Oleg Verniaiev at Illia Kovtun ng Ukraine, Italians Yumin Abbadini at Mario Macchiati, Americans Frederick Richard at Paul Juda, Swiss Matteo Giubellini at Florian Langenegger, Hungarian Krisztofer Meszaros, Australian Jesse Moore, Casimir Schmidt at Frank Rijken ng Netherlands, Kazakh Milad Karimi, Brazilian Diogo Soares, Canadians Felix Dolci at Rene Cournoyer at Nils Dunkel ng Germany.

Si Zhang ay may qualifying score na 88.597 kumpara sa 83.631 ni Yulo habang may 86.865 si Oka, 85.064 si Hashimoto, 84.898 si Xiao at 84.897 si Jaman.

Show comments