MANILA, Philippines — Opisyal nang Gin King si RJ Abarrientos.
Pumirma na sa wakas ng three-year contract ang No. 3 pick na si Abarrientos para sa Barangay Ginebra upang maging pormal ang kanyang koronasyon bilang isa sa bagong hari ng barangay.
Mismong si Barangay Ginebra governor at San Miguel Corporation sports director Alfrancis Chua ang nanguna sa contract signing ni Abarrientos na nakasama rin ang kanyang agent na si Edgar Mangahas sa SMC Head sa Mandaluyong.
Matatandaang hindi nakadalo si Abarrientos sa PBA Season 49 Draft kung saan sorpresang sinikwat siya ng Gin Kings bilang No. 3 pick sa bigating draft class, dahil sa Jones Cup.
Isa si Abarrientos sa naging malaking bahagi ng kampeonato ng Strong Group Pilipinas sa Jones Cup matapos ang 8-0 sweep para maibigay sa bansa ang ika-7 titulo nito.
Sa kawalan niya ay ang kanyang tiyuhin na si Johnny Abarrientos ang umakyat upang tanggapin ang official cap at jacket mula sa Barangay Ginebra.
Noong 1993 PBA Rookie Draft ay si Johnny rin ang third pick na noon ay Alaska head coach na si Tim Cone, na nasa Barangay Ginebra na ngayon.
Pareho ring produkto ng FEU sa UAAP si RJ na may karanasan din sa Japan B. League at Korean Basketball League bilang Filipino import sa ilalim ng Asian Player Quota program.
Inaasahang sasalang sa unang aksyon ng Ginebra si Abarrientos ngayong Miyerkules sa exhibition game nila kontra sa P.League+ champion na New Taipei Kings sa Macau.