MANILA, Philippines — Ang pagsolo sa liderato ang hangad ng Akari sa pagsagupa sa nagdedepensang Petro Gazz sa Pool B ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magtutuos ang Chargers at Gazz Angels ngayong alas-3 ng hapon matapos ang laban ng Cignal HD Spikers at Capital1 Solar Spikers sa ala-1 ng ng hapon.
Sa huling laro sa alas-5 ng hapon ay mag-uunahan ang Choco Mucho Flying Titans at ZUS Coffee Thunderbelles sa pagtatala ng unang panalo.
Magkasosyo sa unahan ang Akari at Cignal sa magkatulad nilang 2-0 record kasunod ang Petro Gazz (1-1), Capital1 (1-1),Choco Mucho (0-2) at ZUS Coffee (0-2).
Ang unang dalawang biniktima ng Chargers ay ang Solar Spikers, 25-18, 27-25, 22-25, 25-14, at Flying Titans, 18-25, 16-25, 25-22, 25-23, 15-13.
Matapos namang talunin ang Thunderbelles, 25-16, 25-21, 25-21, ay yumukod ang Gazz Angels sa Solar Spikers, 24-25, 20-25, 18-25.
Pilit na pipigilan ng Akari sina import Wilma Salas at Fil-American Brooke Van Sickle ng Petro Gazz para maitala ang ikatlong sunod na ratsada sa tulong ni reinforcement Oly Okaro.
“Against Petro Gazz, they have two strong outside hitters, so you have to be patient for broken defense, because they’re really strong, and most players can pass and hit,” ani Japanese coach Taka Minowa. “But to our advantage, we have Oly, and can also hit with Brooke. Brooke is also good, so we want it to be a good game.”
Makakatuwang ni Okaro para sa Chargers sina Ivy Lacsina, Grethcel Soltones, Camille Victoria, Kamille Cal, Ced Domingo at Joy Soyud para pabagsakin ang Gazz Angels.